MANILA, Philippines - Inamin ng Liberal Party (LP) na mas gugustuhin nilang iendorso na lamang ni Senator Chiz Escudero ang kandidatura ni LP presidential bet Senator Benigno “Noynoy”Aquino III, kesa sa umuugong na pagtakbo nitong Vice President kung saan sinasabi nitong siya ang magiging running mate ng huli.
Ayon kay Rep. Erin Tanada, LP spokesman sa pulong Balitaan sa Tinapayan, mas magiging bentahe sa Liberal kung ieendorso na lamang ni Escudero ang kanyang kandidatura at huwag na siyang tumuloy sa pagka-presidente.
Sakaling tutuloy umano si Escudero sa kanyang planong pagtakbo bilang Presidentiable malaki ang posibilidad na mahati ang boto ng mga kabataan sa kanila ni Aquino.
Kaugnay nito, sinabi ni Tanada na dadaan sa masusing proseso ang pagpasok ng mga lumundag na pulitiko sa LP. Kinakailangan umano na sundin ng mga bagong papasok sa LP ang polisiya at plataporma ni Aquino.
Sa Enero ng susunod na taon ay malalaman na nila kung gaano karami ang nagsitalon sa LP.
Samantala,sinabi naman ni Reggie Velasco, spokesman ng Lakas-Kampi-CMD, na hindi totoong nauubos na ang miyembro ng kanilang partido.
Umaalis lamang umano sa kanila ang ilang pulitiko dahil hindi mai-accommodate ang kanilang kandidatura.
Naniniwala din si Ve lasco na pupunta sa kanilang partido ang mga naulilang miyembro ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) at ang mga botong para kay Escudero ay mapupunta kay Lakas bet Gilbert Teodoro. (Doris Franche)