PASG pinuri sa trabaho laban sa smuggling
MANILA, Philippines - Pinuri ng isang mambabatas mula Pangasinan ang Presidential Anti-Smuggling Group na pinamumunuan ng hepe nitong si Undersecretary Antonio “Bebot” Villar dahil sa maraming tagumpay nito sa misyon ng gobyerno na sugpuin ang smuggling sa bansa.
Binanggit ni Pangasinan 5th Rep. Mark Cojuangco sa isa niyang privilege speech ang major accomplishments ng PASG.
Kabilang dito ang multi-bilyong Subic drug bust noong April 2008 at ang anti-smuggling operations sa mga alahas at iba pang mahahalagang bato na tinatayang aabot sa P250 million.
Hindi naman natinag si Villar sa bagong graft charges na isinampa laban sa kanya ng isang Emilio Miranda Dizon sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Villar, handa siyang sagutin ang lahat ng akusasyon sa kanya na isinampa ng sinuman sa anumang hukuman.
Sinabi ni Cojuangco na susi ang PASG sa pagkakasabat ng replicating machines sa Quezon City at Angeles City na may kabuuang halaga ng P300 million at pagkakahuli ng container vans na naglalaman ng LCD screens at notebook computers na nagkakahalaga ng P50 million.
Dahil sa magandang trabaho ng PASG, sinabi ni Cojuangco na hindi na nakakagulat na inuulan ng batikos ang ahensiya.
Hinamon ni Cojuangco ang sinuman na may reklamo sa PASG na lumantad at ilabas ang kanilang ebidensiya at hindi dapat manghusga batay sa mga usap-usapan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending