MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong kriminal sa Bureau of Customs ang apat na Customs brokers, limang opisyal at empleyado ng isang pribadong kumpanya at tatlong iba pa dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa illegal na importasyon ng ibat-ibang uri ng kagamitan.
Kasong paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines ang isinampa laban kina Antonio Vinavilles, may-ari ng 210 Enterprises at Merelyn Pacheco, Licensed Customs Broker, dahil sa umano’y illegal na importasyon ng elephant tusks na nagkakahalaga ng P200m.
Kasama din nakasuhan sina Roselyn Uchida, may-ari ng Uchida General Merchandise at Randolph Ojales, Licensed Customs Broker dahil sa umao’y pagpupuslit ng 3,000 ceramic tiles na nagkakahalaga ng P500,000.
Sina Lesley To Chip, may-ari ng Cebu PSI Hose Center at Agapito Mendez, Jr., Licensed Customs Broker, ay sinampahan ng nasabing kaso dahil sa illegal na importasyon ng 724 piraso na Airsoft guns, na nagkakahalaga ng P2.2 million.
Sinabi naman ni BoC Commissioner Napoleon Morales, na isinulong ang nasabing kaso para na rin sa pagbibigay ng suporta sa kampanya ni Pangulong Arroyo laban sa smuggling kundi pati na rin ang pagbibigay proteksiyon sa mga lehitimong negosyante. (Butch Quejada)