MANILA, Philippines - Hindi patatalsikin bilang chairman ng Presidential Anti-Graft Commission si Constancia de Guzman matapos hindi tanggapin ni Pangulong Arroyo ang kanyang pagbibitiw.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, malaki ang tiwala ni Pangulong Arroyo kay de Guzman sa kabila ng alegasyong nepotismo laban dito matapos na kunin ang kanyang anak bilang confidential executive assistant at ang pamangkin bilang confidential technical assistant habang ang girlfriend ng kanyang anak bilang executive director.
Gayunman, iniutos pa rin ng Pangulo sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang naturang alegasyon. Iginiit pa rin ni de Guzman na wala siyang nilabag na anumang batas sa ilalim ng Civil Service Law sa pagtatalaga sa kanyang anak at pamangkin, bagkus ay naging sensitibo lang aniya ang publiko hinggil dito.
Malaki ang paniniwala nito na ilang nasibak na empleyado ang nagpalabas ng white paper laban sa kanya. (Rudy Andal)