Fare hike nakaamba
MANILA, Philippines - Napipinto na ring tumaas ang pasahe sa mga pampublikong sasakyan kasunod ng inasahang pagtaas ng presyo ng langis makaraang ipawalambisa kahapon ng Malacañang ang kontrobersyal na Executive Order 839.
Nagbanta ang grupong Alliance of Concerned Transport Organization na hihilingin din nilang dagdagan ang pasahe sa mga jeepney kapag tumaas ang presyo ng langis.
Sinabi ni Acto Chairman Efren de Luna na, sa ngayon, binabantayan nila ang galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo upang makagawa ng kaukulang hakbang sakaling tumaas ito.
Kapag anya tumaas ang presyo ng langis, hihilingin nila sa Land Transportation Franchising Regulatory Board na aksiyonan ang kanilang petisyon para sa pisong dagdag sa pasahe.
Nilinaw ni de Luna na sinuspinde muna nila ang nauna nilang petisyon para sa dagdag na pasahe dahil sa EO 839 na ipinalabas ng Malacañang at pumipigil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Pinuna ni de Luna na hindi naman talaga nalugi ang mga kumpanya ng langis sa pagpapatupad ng EO 839 dahil binawi naman nila ito sa Visayas at Mindanao nang magtaas sila doon ng P9.00 sa kada litro ng gasoline at krudo.
Kaugnay nito, ipinalabas ni Pangulong Gloria Arroyo ang Executive Order 845 na bumabawi sa EO 839.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, nilagdaan ni Pangulong Arroyo ang EO 845 pagdating nito noong Linggo mula sa Singapore.
Sa nasabing EO 845, inatasan din nito ang DOJ-DOE task force na ipatupad ang mga package proposal ng mga oil companies na napagkasunduan sa nakaraang emergency meeting na ipinatawag ng Pangulo noong Biyernes sa Malacañang.
- Latest
- Trending