Pangasinan mayor sabit sa Greenbelt robbery
MANILA, Philippines - Ikinabahala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga ulat na isang alkalde sa Pangasinan ang konektado sa kilabot na Alvin Flores robbery gang.
Sinasabi ng pulisya na ang nasabing gang ang may kagagawan sa panghoholdap sa isang tindahan ng mamahaling relo sa Greenbelt 5 sa Makati City noong nakaraang buwan.
Ginawa ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez ang pahayag bilang reaksyon sa pagbubunyag ng isang nadakip na suspek na si Dennis Serquina na nagtatrabaho umano ito bilang bodyguard ng isang alkalde sa isang bayan sa Pangasinan.
Napaulat din na, noong nakaraang linggo, napatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis ang lider ng grupo na si Alvin Flores.
“Seryosong akusasyon yan na kailangang imbestigahan dahil hindi pinapayagan ng pamahalaang ito ang sinuman na gamitin ang kapangyarihan ng pagiging ehekutibo ng isang pamahalaang local para gumawa ng buktot na krimen,” sabi ni Golez.
Sinabi ni Golez na tinagubilinan na ng Malacañang ang mga opisyal ng Philippine National Police na magbigay ng mga bagong report sa imbestigasyon nito sa naturang insidente.
Pinaalalahanan din ng Pangulo ang PNP na pag-ibayuhin ang kampanya laban sa mga di-lisensiyadong baril dahil pinangangambahang darami ang mga krimen sa susunod na mga buwan dahil ilang pulitiko ang maaaring gumawa ng iligal na aktibidad para mangilak ng pondong gagamitin nila sa eleksyon.
- Latest
- Trending