MANILA, Philippines - Hindi magbibigay ng ransom money ang kinaa anibang Missionary Society of St. Columban ni Irish priest Fr. Michael Sinnott kapalit ng paglaya nito.
Sa statement na ipinadala sa Catholic Bishops Conference Philippines News ni Fr. Patrick O’Donoghue, major superior, matigas ang paninindigan nito na wala silang ibabayad na anumang ransom money bagamat lumabas ang proof of life ni Sinnott na hawak ng isang Commander Abu Jayad at humihingi ng $2 milyong ransom.
Ayon pa kay O’Donoghue, polisiya ng kanilang congregation na hindi kailangan na magbayad ng anumang ransom.
Gayunman, malaki ang kanyang kasiyahan na makitang maayos naman si Sinnott sa kamay ng kanyang mga abductors at may sapat na mga gamot para sa kanyang sakit ngunit nag-aalala pa rin umano ito dahil ang nasabing video aniya ay ni-record walong araw na ang nakararaan.
Kasabay nito, siniguro kahapon ng Malacañang na inaasikaso ng gobyerno ang paglaya ni Fr. Sinnott kung saan ay inatasan na ni Pangulong Arroyo si DILG Sec. Ronaldo Puno upang pangasiwaan ang negosasyon upang mapalaya ang pari na walang ibinabayad na ransom.
Iginiit din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “no ransom policy” kaugnay sa hinihinging $2 million o P95 million demand ng mga dumukot sa pari.
Nauna nang ipinalabas ng mga kidnappers ang video ng pari, na nagpapakita na may hawak itong isang pahayagang broadsheet na patunay na buhay pa ito.
Nananawagan naman si O’Donoghue sa mga mabubuting tao na tulungan sila at gawin ang nararapat na pakiusap at panghihikayat sa mga abductors ni Sinnott na palayain na ito sa lalong madaling panahon.
Naniniwala ito na hindi naman umano lubos na masama ang mga abductors ni Sinnott at kailangan lamang ang pakikipag-usap ng pamahalaan upang ma ayos ang lahat.
Matatandaang katatapos lamang sumailalim ni Fr. Sinnott, 79, sa heart bypass operation, kaya delikado pa ang kalagayan nito.