Santi lumayas, 12 patay
MANILA, Philippines - Tuloy na ang pagtitirik ng kandila sa bawat puntod sa mga sementeryo ngayong Araw ng Undas makaraang lumayas na sa bansa ang bagyong Santi.
Gayunman, napaulat na 12 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyo sa Luzon.
Sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration spokesman Nathaniel Cruz na wala nang peligro matapos na pumunta si Santi sa Southern Luzon at magtuloy-tuloy ito patungong South China Sea, pasado alas 10 ng umaga kahapon.
Ayon kay Cruz, inaasahang magtutuloy-tuloy ang magandang panahon sa bansa, sa sandaling ang bagyong si Santi ay tuluyan nang lumabas ng bansa at posibleng maganap ito ngayong umaga.
Sinabi ng mga awtoridad na magiging maayos ang pagtitirik ng kandila at iba pang tradisyon sa paggunita sa Araw ng mga Patay sa inaasahang pagganda ng panahon ngayon.
Base sa weather bulletin ng Pagasa, kahapon ay namataan si Santi sa layong 120 kilometers mula sa west-southwest ng Metro Manila. Taglay nito ang hanging 120 kph malapit sa gitna at pabugso-bugsong lakas na 150 kph. Ngayong Linggo ng umaga, si Santi ay posibleng tuluyan nang lumabas sa bansa.
Sa kabila nito, nanatili namang nasa signal no. 3 ng bagyo ang Lubang Island sa Northern Section ng Mindoro; Signal no. 2 sa Bataan, Cavite, Batangas, at Metro Manila; Signal no. 1 Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Quezon, Marinduque, at Northern Palawan.
Batay sa ulat ng disaster coordinating council, tatlo katao ang nasawi habang lima ang nawawala sa Laguna dahil sa pana nalasa ng bagyo.
Pito naman ang napaulat na nasawi sa Bicol na ang anim ay nasa Camarines Norte at isa sa Catanduanes.
Sinabi ng National Disaster Coordinating Council sa isang panayam sa radyo na dalawa pa ang namatay sa Muntinlupa.
Sinabi pa ng NDCC na 115,000 katao ang naapektuhan ng bagyong Santi.
Ayon pa kay Cruz, inaasahang ang bansa ay magkakaroon ng magandang panahon lalo na ngayong Undas.
Samantala, dahil sa bagyo, nagdulot ito ng malawakang brownout, pagbaha, at landslides sa ilang parte ng Southern Luzon at Bicol.
Naitala ang malakas na ulan na aabot sa 350 millimeter sa Alabat Island sa Quezon simula alas-8:00 ng umaga ng Biyernes at alas-8:00 ng umaga ng Sabado. Sa Tanay, Rizal ay nagtala ng 157 millimeters na pag-ulan.
Ang mga floodgates sa Ipo Dam sa Bulacan at Pantambangan Dam sa Nueva Ecija ay isinara na kahapon. Ang Ambuklao dam sa Benguet na apat na gate pa ang nakabukas ngunit may 22 cubic meters kada segundo lamang ang pinapakawalang tubig. (Basahin sa Pahina 3 at 6 ang mga kaugnay na ulat)
- Latest
- Trending