Chiz kumalas sa NPC!
MANILA, Philippines - Sinorpresa kahapon ni Senator Francis ‘Chiz’ Escudero ang sambayanang Pilipino na nag-abang sa kanyang press conference dahil sa halip na ihayag ang inaasahang pagtakbo sa 2010 presidential elections ay ang pagkalas sa kanyang partidong Nationalist People’s Coalition (NPC) ang inanunsiyo nito.
Naniniwala si Escudero na ang sinumang nagnanais na tumakbong pangulo ng bansa ay hindi dapat nabibilang sa anumang partido.
“Ang dapat na partido ng sinumang tatakbo ay ang Pilipinas…hindi NPC, Lakas o anupaman. Ang dapat na kapartido ay ang bawat isang Pilipino na siyang uukit ng pagbabago at pag-unlad,” sabi ni Escudero kahapon ng umaga sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan.
Inihayag din nito na ang sinumang nagnanais tumakbong presidente ay hindi dapat nakakadena ang kamay, paa, nakapiring ang mata o nakabusal ang bibig sa partido.
Ipinahiwatig din ni Escudero na ayaw na niyang dinidiktahan kung ano ang dapat gawin kaugnay sa plano niya sa 2010 national elections.
“Para po sa akin, hindi dapat idikta ng isang partido ang gagawin ng sinumang tatakbo. Dahil kung ganoon, papaano niya mapapanagot ang mga tiwali sa gobyerno kung ito ay kagrupo o kasama niya?”
Ang kanyang pagkalas sa NPC ay hudyat din ng kanyang pagkalas sa tradisyunal na pamumulitika na batbat ng political patronage. Ibig sabihin ay, dahil sa malaking utang na loob sa mga magpo-pondo sa kandidatura ng isang politiko, hindi maiwasang ibalik bilang isang pabor ang mga tulong na ito na kadalasan ay batbat ng korapsyon.
Ayon pa kay Escudero, personal na desisyon ang kanyang ginawa at tanging sa chairman ng kanilang partido na si dating Isabela governor Faustino Dy Jr. siya nagpaalam.
Inamin ng senador na hindi siya kumunsulta o nagpaalam pa kay dating Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., ang NPC chairman emeritus, sa dahilang wala naman itong papel sa partido.
Ayon pa sa kanya hindi pwedeng panay interes na lamang ng partido ang kanyang isusulong at hindi na titignan ang interes naman ng mga ordinaryong mamamayan.
Inihayag din ni Escudero ang hangarin na i-abolis ang pork barrel at hindi umano ito magagawa kung ang kasama niya ay mga kongresista at mga senador.
Ang NPC ang partido ni Escudero simula nang pumasok siya sa pulitika noong 1998.
Labing isang taong naging miyembro ng NPC si Escudero kaya hindi inaasahang maging ng mga kapartido ang desisyon ng senador.
Nakiusap naman si Es cudero na bigyan siya ng sapat na panahon para makapag-isip sa mga susunod niyang hakbang.
- Latest
- Trending