MANILA, Philippines - Anim na overseas Filipino worker ang nabigyan ni Nacionalista Party President at Senador Manny Villar ng bahay at lote sa pamamagitan ng noontime show na Wowowee.
Kabilang sa nabigyan ng bahay at lote sina Sarah Felecio ng Negros Occidental, Marnelli Recabar ng Iloilo, Rosemarie Jaca ng Romblon, Hazel Vicente ng Romblon, Joanne Sonbise ng Parañaque, at Jenny Chan ng Manila.
Tumanggap sila ng tig-iisang 40-sq.m na kumpletong dalawang palapag, dalawang-kuwartong townhouse na may halagang P1.2 milyon. Tinanggap ni Vicente ang kanyang house and lot mula sa Camella Seville subdivision sa Caloocan, habang ang natitirang lima ay nakatanggap mula sa Camella Lessandra sa Molino, Bacoor, Cavite.
Noong Hulyo 25, ang mga nanalong OFWs ay lumahok sa “Willie of Fortune” ng Wowowee na nakatuon para sa mga migrant workers. Habang nanonood ng programa kasama ang anak na si Camille, hiniling ni Revillame kay Villar na paunlakan ang personal na kahilingan na bigyan ng tig-iisang bahay at lupa ang mga kalahok dahil kilala naman ang senador sa pagkalinga ng kagalingan ng OFWs.
Umiyak at niyakap ng mga OFWs si Villar nang tumango ito sa kahilingan ni Revillame. (Butch Quejada)