MANILA, Philippines - Patuloy sa pagdami ang kaso ng Human Immunodeficiency Virus/Acquired Immunodeficiency Syndrome sa bansa na umabot na sa 4,082 mula noong 1994 hanggang sa kasalukuyan at 318 dito ang naitalang binawian na ng buhay.
Sa pinakahuling ulat, nitong Agosto 2009, may 61 panibagong kaso na naitala ang National Epidemiology Center ng Department of Health na pawang natukoy na HIV-Ab zero positive, ayon sa pagkumpirma ng STD/AIDS Cooperative Central Laboratory.
Sa talaan ng HIV and AIDS Registry, lumilitaw na ang naturang bilang ay mas mataas ng 49 porsiyento kumpara sa naitalang 41 kaso lamang noong Agosto, 2008.
Umabot na umano sa 493 ang kabuuang bilang ng mga bagong kaso ng HIV-AIDS mula Enero hanggang Agosto ng taong kasalukuyan at isa ang namatay.
Kabilang sa mga bagong kaso ang apat na lalaki na may full-blown AIDS na at 92 porsyento ay pawang lalaki sa kabuuang kaso na may age range na mula 20 hanggang 54 taong gulang.
Nagmula umano sa National Capital Region ang 34 kaso o 56 porsyento at 10 o 16 porsiyento ay pawang mga overseas Filipino workers. Nabatid din na pawang nakuha nila ang sakit sa pakikipagtalik bagamat wala pang naiulat na nasawi sa nasabing buwan. (Ludy Bermudo)