Hilagang Luzon naghanda sa U-Turn ni Ramil
MANILA, Philippines - Walang katiyakan ang direksyon ng bagyong Ramil na namataang palayo na sa bansa kaya patuloy ang paghahanda ng mga opisyal ng mga pamahalaang-lokal sa Northern Luzon.
Ayon kay National Disaster Coordinating Council Spokesman Lt. Col. Ernesto Torres Jr., bagaman at namataang palayo na sa bansa si Ramil, hangga’t malapit pa ito sa teritoryo ng Pi lipinas ay di dapat maging kampante.
Sinabi ni Torres na pabagu-bago ng direksyon ang bagyo at posibleng mag-“U-turn” ito tulad ng nagdaang bagyong Pepeng na bumayo sa Central at Northern Luzon sa loob ng halos dalawang linggo.
Tiniyak ng opisyal na tuloy ang pre-positioning ng mga releif goods at rescue assets sakaling magbabago ang direksyon ni Ramil.
Magugunita na inutos ni Defense Secretary at National Disaster Coordinating Council Chairman Gilberto Teodoro ang preemptive evacuation upang maiwasan ang mga ‘casualties’ sa pananalasa ng nasabing bagyo.
Kahapong alas-11 ng umaga, namataan ng Philippine Athmospheric Geophysical and Astronomical Services si Ramil sa layong 340 kilometro ng hilagang silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hanging 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 120 kilometro bawat oras.
Ngayong Linggo, si Ramil ay 610 kilometro hilagang silangan ng Basco at sa Lunes, inaasahang nasa layong 950 kilometro hilagang silangan ng Basco o 230 kilometro silangan ng Okinawa, Southern Japan
Gayunman, nasa ilalim pa rin ng Signal number 2 ang Batanes Group at Signal number 1 ang Calayan Islands at Babuyan Islands. (Joy Cantos at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending