Mga kabalen ni Noynoy kumampi kay Villar
MANILA, Philippines - Ilang mga kabalen ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III sa Tarlac ang lumipat na sa kampo ni Nacionalista Party President at Sen. Manuel Villar.
Pinangunahan ni Provincial Board Member Tyrone Aganon (2nd district) ang mga bigating lokal na lider ng Tarlac sa panunumpa sa NP na isinagawa kamakailan sa Laurel Mansion ni Villar sa Mandaluyong City.
Nagpahayag ng paniniwala ang grupo ni Aganon na mas magiging maganda ang kinabukasan ng mamamayan ng Tarlac sa pamumuno ni Villar kaysa isa sa katunggali nito sa halalang pampanguluhan na si Aquino.
Bukod sa mga taga-Tarlac, nanumpa rin sa NP ang mga lokal na lider ng Nueva Ecija at Tarlac.
Kabilang dito ang matagumpay na negosyanteng si Jack Dulnuan mula sa La Trinidad, Benguet na katulad ni Villar ay nanggaling sa mahirap na pamilya at umasenso sa negosyo ng transportasyon.
“Iisa ang ating layunin para sa bayan, ang lutasin ang problema ng kahirapan at pagkalooban ng trabaho at sariling negosyo ang ating mga kababayan para hindi sila makaramdam ng gutom,” ani Villar sa mga bagong kasapi.
Sinabi ni Villar na kasama sa kanyang programa na pahusayin ang lansangan patungong Gitna at Hilagang Luzon upang mapabilis ang paghahatid ng kalakalan sa Metro Manila at kalapit na lalawigan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending