Krisis sa bigas nakaamba
MANILA, Philippines - Pinangangambahang dumanas na naman ng panibagong krisis sa bigas ang bansa kaugnay ng ma tinding epekto ng bagyong Pepeng sa Central Luzon dahilan lubog pa rin sa tubig baha ang binansagang ‘rice granary’.
Sa report na tinanggap kahapon ng Office of Civil Defense, 23 sa kabuuang 32 bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija ay dumaranas ng matinding flashflood.
Ang Nueva Ecija ang pinakamalaking pinagkukunan ng supply ng bigas at pangalawa naman ang Isabela na kapwa dumanas ng matinding hagupit ng bagyong Pepeng.
Nabatid naman na mataas pa rin ang tubig baha sa bayan ng Arayat, Pampanga na hanggang pitong talampakan ang taas kaya’t nanlulumo ang mga magsasaka sa matinding epekto nito sa kanilang mga pananim.
Sinabi sa ulat na baga man mababa na ang mga baha sa Nueva Ecija ay nasira nito ang mga tanim na palay sa nasabing lugar.
Samantala, 11 pa ring mga bayan sa Tarlac, Pampanga at Bulacan ang lubog sa tinatayang dalawang talampakang baha. (Joy Cantos )
- Latest
- Trending