MANILA, Philippines - Lumobo na sa mahigit 260 katao ang death toll sa 10 araw na paghagupit ni superbagyong Pepeng na nagdulot ng delubyo ng landslides at flashfloods partikular na sa Northern Luzon.
Sa phone interview, kinumpirma ni Cordillera Administrative Region (CAR) Director Chief Supt. Orlando Pes taño na umaabot sa kabuuang 179 ang patay sa kaniyang nasasakupan, kabilang ang 119 nasawi sa landslides sa Benguet. Sa Baguio City ay umabot na sa 62 ang narekober na bangkay sa 11 insidente ng landslide umpisa noong Huwebes ng umaga hanggang kamakalawa
Sa Mountain Province ay 19 ang iniulat na namatay sa bayan ng Tadjan matapos na maguhuan ng lupa ang may 18 kabahayan sa paanan ng bundok at dalawa naman ang patay sa lalawigan ng Ifugao.
Ayon naman kay Police Regional Office (PRO) 1 Director Chief Supt. Ramon Gatan, nasa 43 katao ang naitalang namatay sa Region 1, siyam sa Pangasinan matapos na makakuha pa ng limang patay sa bayan ng Sison, 34 sa La Union na pawang nalunod, isa sa Ilocos Sur at isa rin sa Ilocos Norte na namatay naman sa hypothermia. Dalawa ang patay sa Camarines Sur, isa sa Quezon at isa rin sa Nueva Ecija.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Defense Secretary at NDCC Chairman Gilberto “Gibo “ Teodoro Jr. na nasa 184 katao pa lamang ang patay sa nakarating na report sa kanilang tanggapan at inaasahang tataas pa ito habang marami pa ang nawawala.
Walang kuryente sa La Union, Ilocos Norte at Pangasinan habang naputol rin ang linya ng komunikasyon.
Naireport rin na 26 barangay sa Bacarra, Ilocos Norte ang kulay putik ang lumalabas na tubig sa kanilang mga gripo. Barado ang mga pangunahing highway dulot ng landslide at nawasak na mga tulay sanhi ng flashfloods.
Samantala, patuloy na ang paglabas sa bansa ng bagyong Pepeng. Pero ayon kay Nathaniel Cruz, spokesman ng PAGASA, patuloy namang makakaranas ng pag-uulan sa ibat ibang bahagi ng bansa laluna ang western Luzon at ang northern Luzon ay makakaranas pa ng limang araw na paminsan-minsang pag-uulan.
Nakataas pa rin ang signal number 1 sa La Union at Western Pangasinan. (Joy Cantos/Angie dela Cruz)