Populasyon sa Metro Manila, 11.5 milyon na
MANILA, Philippines - Isa na ang Metro Manila sa “most densely populated cities” sa buong mundo kung saan nasa 11.5 milyon ang populasyon.
Ayon kay Senator Edgardo Angara, sa kasalukuyan ay nasa 92 milyon na ang populasyon ng Pilipinas at ang 11.5 milyon nito ay nasa Metro Manila.
Tinataya rin umano na ang 97% ng kabuuang Gross Domestic Product ng bansa ay kontrolado ng 15% ng populasyon na karamihan ay nasa Metro Manila area.
Dahil dito kaya hinikayat ng United Nations na palakasin ng gobyerno ang social services arm ng bansa upang masiguradong magiging maayos ang buhay ng mga Filipino.
Sa ngayon aniya ay kulelat pa rin ang Pilipinas sa mga karatig bansa nito sa Asia kung ang pag-uusapan ay human development index.
Bagaman at mataas ang literacy rate ng bansa na mahigit sa 90%, mahina naman ang child nutrition at development ng mga mamamayan.
Base sa report ng World Bank, ang mortality rate ng mga sanggol na Pinoy na wala pang limang taong gulang ay tatlong beses na mas mataas sa mga mahihirap na pamilya.
Tatlumpu’t isang (31%) porsiyento naman ng mga batang nasa pre-school ang malnourish kaya hindi nakakapag-aral ng mabuti.
Ayon kay Angara, panahon na para magtulungan ang gobyerno at mga pribadong sector upang maipatupad ang mga social development programs lalo pa’t nagsunod-sunod ang pagdating ng kalamidad sa bansa. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending

















