Ondoy victims, di pulitika, giit
MANILA, Philippines – Nanawagan si Konsehala Fe Ramos ng Sta. Maria, Bulacan sa mga kapwa niya pulitiko lalo na sa mga makakalaban niya sa mayoralty race na kalimutan muna ang pulitika at magkaisa muna silang lahat kung papaano sosolusyunan na makabangon muli ang kanilang bayan na kabilang sa sinalanta ng bagyong “Ondoy.”
Kasabay nito, inihayag ni Ramos na nakahanda siyang suportahan ang anumang hakbang na gagawin ni Mayor Bartolome “Omeng” Ramos, lalo na ang pagpapalabas ng pondo ng bayan kung para ito sa kapakanan ng mamamayan na naapektuhan ng bagyo.
Ayon sa Konsehala, ang mga biktima ni ‘Ondoy’ at ang pagpapagawa ng mga nasirang tulay sa hangganan ng Brgy. Catmon at Brgy. San Jose Patag at tulay sa Brgy. Caypombo muna ang dapat bigyan ng prayoridad sa pagpapalabas ng pondo.
Kaugnay nito, nanawagan din si Konsehala Ramos sa kanyang mga kababayan na hindi naapektuhan ng bagyong “Ondoy” na magbigay ng anumang uri ng donasyon na maaaring makatulong sa mga biktima ng kalamidad tulad ng mga relief goods, lumang damit at iba pang kasuotan, banig, kumot at mga lumang yero.
- Latest
- Trending