MANILA, Philippines - Nakipagdamayan na rin ang may 300 preso ng New Bilibid Prison sa mga biktima ng bagyong Ondoy.
Nabatid kahapon kay NBP Chaplain Fr. Bobby Olaguer na namigay ng mga damit at pagkain ang mga preso sa mga residente ng Barangay Poblacion, Muntinlupa City na sinalanta rin ng bagyo.
At sa halip kainin, idinonasyon din ng mga bilanggo ang rasyon nilang almusal na tinapay na gawa ng mga estudyante ng baking school ng NBP.
Ipinamahagi din ng mga preso ang kanilang mga kumot at kulambo upang magsilbing proteksiyon ng mga apektadong residente.
Ayon naman kay NBP Superintendent Armando Miranda, mahigit 20,000 lata ng sardinas na nagmula sa pondong naipon mula sa hindi nagalaw na rasyon sanang pagkain ng mga bilanggo ang kanilang ipinamahagi sa mga biktima ng delubyo.
Isinagawa ng mga preso ang fasting noong Setyembre 28 na naging ideya at pinangunahan ng “Council of Elders” sa loob ng pambansang kulungan at inayunan naman ng lahat ng mga bilanggo. (Doris Franche at Danilo Garcia)