State of calamity hindi pa aalisin
MANILA, Philippines - Hindi pa maaring alisin ang idineklarang ‘state of calamity’ ng pamahalaan hangga’t nananatiling may banta pa ng sama ng panahon sa bansa na posibleng magdulot ng malawakang flashfloods.
Ito ang paliwanag kahapon ni Defense Secretary at National Disaster Coordinating Council (NDCC) Chairman Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., kasunod naman ng anunsyo ng PAGASA na lima hanggang anim na bagyo pa ang papasok sa teritoryo ng Pilipinas hanggang sa pagtatapos ng taong ito.
Ayon sa PAGASA, may namumuo na namang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa bahagi ng Pacific Ocean at nagbabadyang maging isang bagyo na hahagupit sa bansa.
Pero, ayon sa Kalihim handa niyang irekomenda kay Pangulong Arroyo na alisin na ang itinaas na ‘state of calamity‘ sa buong Pilipinas pero ito’y kung bubuti na ang lagay ng panahon o wala ng namumuong kalamidad.
Ang NDCC ang magrerekomenda sa Pangulo kung kailangan nang alisin ang state of calamity sa bansa o i-lift lamang ito sa ilang lugar na hindi naman lubhang napinsala ng nakaraang mga kalamidad.
Magugunita na idineklara ni Pangulong Arroyo ang state of calamity sa buong bansa matapos ang pananalasa ni Ondoy upang magamit ang calamity fund ng mga local government units at magpatupad ng price control sa mga basic commodities. (Joy Cantos/Rudy Andal)
- Latest
- Trending