Larranaga ibiniyahe na sa Spain
MANILA, Philippines - Nakaalis na ng bansa ang convicted rapist na si Francisco Juan “Paco” Larranaga matapos na aprubahan ng Department of Justice na ilipat sa penal facility sa Spain at doon ipagpatuloy ang natitirang life sentence sa salang panggagahasa at pagpatay sa Chiong sisters sa Cebu noong 1977.
Isinalin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation si Larranaga para isailalim sa pangangalaga sa dalawang Spanish agents na sumundo dito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Si Larranaga, ay ang kahuli-hulinang pasahero na isinakay sa KLM Royal Dutch Airline flight KL-804 sa may gate 12 ng paliparan.
Napag-alaman na ang sinasabing convicted rapist-murderer ay naka-upo sa pagitan ng dalawang Spanish escort sa may huling upuan ng economy class ng eroplano
Si Larranaga, 32, kamag-anak ng mga Osmeña ng Cebu ay isang Spanish citizen ay nagsilbi ng 14 taon, siyam na buwan at 20 araw sa kulungan sa Muntinlupa National Penitentiary.
Matatandaang si Larranaga kasama ang pito pa ang sinasabing kumidnap sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong noong July 16, 1977 malapit sa isang mall sa Cebu City, ginahasa at tinapon ang isa sa mag kapatid sa bangin habang ang isa ay hindi na nakita.
Siniguro naman ni Justice Secretary Agnes Deva nadera na nakapagbayad na ng P750,000 bilang civil damage si Larranaga sa pamilya ng kanyang mga biktima.
Nabatid na ang paglipat kay Larranaga sa Spanish prison ay sa ilalim ng “RP-Spain Transfer of Sentenced Persons Agreement”.
Sa ilalim ng kasunduan ay ie-extradite ng Pilipinas si Larranaga sa Espanya kapalit ng dalawang presong Pinoy na may kasong paglabag sa droga na nakabilanggo sa mga kulungan sa Espanya subalit tumanggi itong tukuyin ang pangalan ng dalawa base na rin sa kahilingan ng kanilang pamilya. (Butch Quejada/Gemma Garcia/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending