Pepeng tumambay sa Norte
MANILA, Philippines - Humina pero tumambay pa sa hilagang Luzon ang bagyong Pepeng sa halip na tuluyang lumabas ng bansa.
Ito ang nabatid kahapon sa chief forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration na si Nathaniel Cruz na nagsabi pa na pumirmi pa muna sa hilagang Luzon si Pepeng dahil pinababalik ito ng isa pang bagong bagyong si Melor.
Patuloy namang magbubunsod ng malakas na ulan si Pepeng na namataan sa layong 143 milya mula sa hilagang Laoag City habang isinusulat ito.
Nasa northern pacific naman si Melor na tumutulak nang pakanluran. Hindi naman ito nagbabanta sa hilagang bahagi ng bansa, ayon kay Cruz.
Nagsimulang manalasa sa Luzon si Pepeng noong Sabado. Nagdulot din ito ng mga pagbaha at pagguho ng lupa at ikinasawi ng 16 na tao. Hindi naman nito tinamaan ang kalakhang Maynila.
Ngayong Martes, si Pepeng ay inaasahang nasa layong 240 kilometro ng hilagang kanluran ng Laoag City at bukas ay nasa layong 270 kilomero ng kanluran hilagang kanluran ng lunsod.
Gayunman, nakataas pa rin ang signal number 1 ng bagyo sa Ilocos Norte samantalang signal number 2 sa Ilocos Sur, Abra, Apayao, Batanes, Northern Cagayan, Calayan Islands at Babuyan Islands. (Angie dela Cruz at AP)
- Latest
- Trending