MANILA, Philippines - Naparalisa ng mahigit kalahating araw ang operasyon ng Manila North Harbor kahapon sa isinagawang kilos-protesta ng mga libo-libong mga manggagawa, truck drivers, pedicab drivers, vendors at mga informal settlers ng pantalan kung saan binarahan nila ang mga gates papasok sa Manila North Harbor upang idaing ang kanilang reklamo laban sa Manila North Harbor Modernization Project.
Binarikadahan ng mga ralyista ang gates sa Pier 4, Pier 12, Pier 16 at Pier 18 ng Manila North Harbor kaya lubhang naapektuhan ang operasyon ng iba’t ibang kumpanya sa pantalan kabilang na ang ilang mga shipping lines, cargo handling firms, at iba pa.
Nagdulot din ng pagsisikip ng trapiko sa lugar ang kilos-protesta dahil maraming mga trucks na papasok sana sa loob ng pantalan upang magdala o kumuha ng mga kargamento ang naantala at mas minabuti pang iparada na lang ang kani-kanilang mga sasakyan sa labas ng Manila North Harbor.
Ayon sa mga ralyista, isinagawa nila ang pagharang sa mga gates ng Manila North Harbor upang kalampagin muli ang Philippine Ports Authority o PPA sa napipintong plano nito na i-award and Manila North Harbor Modernization Project sa nag-iisang bidder nito na umano’y bangkarote ang kumpanya.
Nauna nang ipinahayag ng PPA na posibleng i-award nito ang kontrata para sa proyekto bago dumating ang Oktubre 15, 2009. (Mer Layson)