Bilyonaryo sinopla ng gobyerno

MANILA, Philippines - Tinanggihan kamaka­ilan ng pamahalaan ang alok ng bilyunaryong Filipino-Chinese na si Ma­riano Tanenglian na han­da siyang tumestigo sa kasong ill-gotten wealth laban sa kapatid niyang negosyanteng si Lucio Tan at ibang mga aku­sado.

Ang naturang kaso ay may kinalaman sa mga umano’y nakaw na ya­man ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sinabi ni Solicitor Ge­neral at Justice Secretary Agnes Devanadera na malabo ang motibo ni Tanenglian at disbentahe sa pamahalaan ang hini­hingi nitong immunity from prosecution.

Ipinahatid na ng tang­gapan ni Devanadera sa Presidental Commission on Good Government ang re­komendasyong tuma­tang­gi sa alok at hiling ni Tanenglian.

Sinabi pa ni Devana­dera na kaduda-duda at kuwestyunable ang pag­talikod ni Tanenglian kay Tan dahil merong personal na away ang mag­kapatid na umabot pa sa korte.

Idinagdag niya na ayaw ng pamahalaan na manghimasok o mapasu­bo sa away ng magkapa­tid.

Bukod dito, tumagal na ng 20 taon ang kaso bago nag-alok si Taneng­lian ng testimonya nito at walang bagong impor­masyong maibibigay ito sa PCGG.

Kung matatandaan, ipinagharap ng mga ka­song kriminal si Taneng­lian at pamilya nito dahil sa umano’y pananakit sa kanilang mga kasamba­hay. (Butch Quejada)

Show comments