Jamby at Ping dapat mag-sorry kay Villar
MANILA, Philippines - Walang Double Insertion. Walang Diversion.
Ito ang kinahinatnan sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole nang maipaliwanag ni Anastacio Adriano, dating chief operating officer ng Adelfa Properties, na walang bahid ng anomalya ang transaksyon sa C5.
Dahil dito, diniin ni Nacionalista Party Spokesperson Gilbert Remulla na masyado nang matagal ang pagdinig ng Senado sa naturang usapin na isinasangkot kay Senador Manuel Villar kaya dapat tapusin na ito.
“Isang taon na ang nakaraan ngunit wala pa rin masungkit na matibay na ebidensiya ang tandem nina Senator “Jamby” Madrigal at Ping Lacson,” sabi pa ni Remulla.
Dagdag pa ni Remulla, ang hearing ng C5 sa kasalukuyan ay mukhang nilalangaw na dahil sawa na ang tao at maging mga ibang senador na pag-usapan ang isyu.
“Si Senator Ping at Jamby na lang ang pumipiga sa C5. Mas marami pa ang upuang bakante kaysa sa mga sumusubaybay sa session hall. Dahil wala na mang mapatunayan sila Senador Ping at Jamby, dapat mag-sorry na sila kay Sen. Villar at magpakumbaba,” ani Remulla.
Ayon naman kay Adel Tamano, isa ring tagapagsalita ng NP, malinaw na ang pinagumpisahan at pagtatapusan ng C5 issue ay isang political demolition job lamang para sirain ang magandang pangalan at record ni Villar na pangulo rin ng NP. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending