Mag-amang de Venecia pakakasuhan sa ZTE

MANILA, Philippines - Irerekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon ang pagsasampa ng pina­kamabigat na kaso laban kay dating House Speaker Jose de Venecia Jr., at anak na si Joey de Venecia III kaugnay sa $329 mil­yong NBN-ZTE deal scandal.

Ayon kay Sen. Gordon, bukod sa mag-amang de Venecia, nakasaad din sa ipalalabas na report ang iba pang mga pangalan ng irerekomenda nilang ka­suhan sa Ombudsman.

Iginiit din ni Gordon na hindi dapat ituring na whistle­ blower ang ba­tang de Venecia dahil kasab­wat din ito sa pag­lalako ng NBN project sa mga opis­yal ng ZTE Corp.

Sinabi ni Gordon na ka­kasuhan din si dating Speaker de Venecia dahil kasama siya sa nakipag-negosasyon sa proyekto.

Una ng nagkasagu­tan sina Gordon at Joey sa pina­kahuling pagdinig sa Senado dahil nagalit ang huli ng malaman mula sa una na kasama siya at si Rodolfo “Jun” Lozada sa kakasuhan, gayung sila ang whistle­blower dito. (Malou Escudero)

Show comments