22 Pinoy nakakulong sa HK dahil sa droga
MANILA, Philippines - May 22 Pinoy ang nakapiit ngayon sa Hong Kong ma tapos na masabat dahil sa pagpupuslit ng illegal na droga.
Ayon sa report ng Philippine Consulate General sa Hong Kong, karamihan sa mga nakakulong na Pinoy ay nahulihan ng kilu-kilong shabu, cocaine at heroin habang papasok at palabas sa Hong Kong International Airport.
Nabatid pa sa Consulate na ang ipinupuslit na droga ay nagmula sa Brazil, Thailand, Pakistan, India, Nigeria, Vietnam, Malaysia at maging sa Pilipinas.
Ini-smuggle umano ang illegal drugs sa China at ginagamit ang Hong Kong bilang transit point.
Karamihan sa mga biktima ay mga OFW na ineengganyo ng kanilang employer, kakilala at kaibigan na tanggapin ang alok na trabaho bilang tagapick-up ng mga kargamento o bagahe kapalit ng $300-$2,000.
Sa ilalim ng batas ng China kung saan sakop nito ang Hong Kong, ang mahuhulihan ng 50 gramo ng illegal drugs ay may katapat na parusang kamatayan.
Samantala, iniutos na ni UAE leader Sheik Hamad bin Mohammad ang pagpapalaya sa 32 Pinay na nakakulong sa iba’t ibang piitan sa United Arab Emirates bilang pagkilala sa pagdaraos ng Ramadan.
Karamihan sa mga Pinay na napiit ay may mga kasong pagnanakaw, pakikiapid, at paglabag sa immigration laws ng UAE. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending