Bata nabitawan, patay din: Sumaklolo sa 2-anyos nauntog sa barko, patay
MANILA, Philippines - Isang pasahero na nagngangalang “Leizel” na kasalukuyang nasa Zamboanga Port, ang nagkuwento sa panayam ng radio na ang kasama niyang 2–anyos na bata ay kinarga ng isang lalaki upang ibaba patungo sa lifeboat, subalit nabitawan ang bata nang mauntog ang lalaki sa bakal ng barko nang tumalon habang ibinababa ang bata sa lubid. Nasawi ang bata, gayundin ang lalaki dahil nalunod nang mabagok sa pagkakauntog.
Ayon pa sa nasabing babae, naantala umano ang pagtulak ng barko, na sa halip na 8:45 ay 10:30 na ng gabi umalis.
“Habang umaalis pa lang ang barko nakakahilo na kasi magalaw pero maganda ang panahon, narinig ko na sa Davao pa lang daw may sira na talaga ang Superferry 9. Nung nakarinig kami ng malakas na kalabog, lahat ng mga gamit sa hallway napunta sa lower part ng barko at nagkuhanan na ng life jacket ang lahat pero hirap sila kasi madulas. Kami may nag-abot lang na lalaki ng life jackets.
“Nasa bintana kami dumaan, matagal kami naghintay sa lifeboat tapos mga alas 5:00 na ng umaga kami pinatalon para sa life boat kaya iyak ng iyak yung bata (2 year old) kaya inuna na siyang isagip ng lalaki para isakay lahat ng bata sa lifeboat pero nabitawan siya ng lalaki kasi nauntog. Bigla nahulog din ang lalaki kasi naipit kamay sa lubid na kadikit sa barko, kaya pareho silang namatay. Yung bata hindi na makahinga sa pag-iyak nalunod pa,” ani Leizel. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending