Traffic advisory sa Alay Lakad at Bar exam
MANILA, Philippines - Nagpalabas kahapon ng traffic advisory si Manila Traffic District Enforcement Unit (MTDEU) chief Supt. Rizaldy Yap kaugnay ng “Alay Lakad Sa Kabataan 2009” at ng Bar Examination na sabay na isasagawa bukas kung saan inabisuhan nito ang mga examinees na agahan ang pagtungo sa lugar upang makaiwas sa trapik.
Batay sa traffic advisory, alas-4 ng umaga sisimulang isara ang north at south bound lanes ng Roxas Boulevard mula Anda Circle hanggang President Quirino Avenue; P. Burgos mula Roxas Blvd. hanggang Lagusnilad east at west bound; T.M. Kalaw mula Roxas Blvd. patungong Taft Avenue east at west bound at panulukan ng Ayala at Finance.
Ang lahat ng mga sasakyan na manggagaling sa southern part ng Manila na sasakop sa kahabaan ng Roxas blvd. pa northbound lane ay maaaring kumanan sa P. Ocampo o President Quirino at kaliwa sa Taft Ave. patungo sa kanilang destinasyon.
Ayon kay Yap, ang mga sasakyan na manggagaling sa northern part ng Maynila mula Delpan Bridge-Pier Zone ay maaaring dumaan sa A. Soriano diretso ng Magallanes Drive, pakanan ng P. Burgos at tapos ng Lagusnilad (Taft Ave.).
Nabatid pa kay Yap na ang mga cargo trucks na bumabaybay ng Osmena Highway ay dapat na kumanan sa Pres. Quirino Ave. hanggang Nagtahan, A.H. Lacson, Yuseco St., patawid ng Jose Abad Santos diretso ng Raxas bago, Capulong. Ang lahat naman ng cargo trucks, trailers, vans na manggagaling sa Road-10 patungong Delpan Bridge ay dapat na dumaan na lamang sa Capulong.
Para naman sa bar exams, sinabi ni Yap na ang southbound lane ng Taft Ave. mula sa Pres. Quirino hanggang P. Ocampo ay isasara mula 3:30 a.m. hanggang 6 p.m. (Doris Franche)
- Latest
- Trending