MANILA, Philippines - Nakiisa si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa buong bansa sa pag-aabot ng pakikiramay at panalangin sa pamilya at mga kaanib ng Iglesia ni Cristo kasunod ng pagpanaw ng tagapamahalang pangkalahatan nitong si Eraño “Ka Erdie” Manalo.
Pinangunahan din ng alkalde at kanyang pamilya ang mga residente ng Caloocan sa pagluluksa sa pagyao ng spiritual leader kasabay ng pagsabi na nawalan ng isang “great, respected and gifted leader” ang bansa sa pagkamatay nito.
“Matapos naming malaman ng aking pamilya na pumanaw na si Ka Erdie nitong Lunes ng hapon, we were deeply saddened and would like to express our prayerful condolences to his bereaved family at sa buong INC community,” aniya.
Ani Mayor Recom, si Manalo ay “man of God” na ang buhay niya at pagsasakripisyo ay magpapatuloy na makaka-inspire sa milyon-milyong Pilipino na mamuhay ayon sa mga aral ni Kristo.
Nitong Martes, nagdaos ng ilang minutong katahimikan ang mga City Councilor na dumalo sa Sangguniang Panlungsod session hall upang bigyang pugay at panalangin ang namayapang INC leader.