MANILA, Philippines - Matapos dominahin ang Pulse Asia at Social Weather Stations surveys, pinangunahan rin ni Senador Manny Villar ang non-commissioned nationwide third quarter survey ng The Center nang manguna siya sa 13 at 9-way presidential race.
Nabatid kay The Center Director Ed Malay na isinagawa ang survey nitong Agosto 18-23 sa hanay ng 1,200 respondents sa buong bansa kung saan mayroong 2.8% plus o minus na margin of error.
Nakakuha si Villar ng pinakamataas na 20% habang nagtabla naman sina dating Pangulong Joseph Estrada at napipisil nitong running-mate na si Sen. Francis Escudero sa 16%.
Kabilang sa mga maiinit na isyu nang isagawa ang survey ang pagkamatay ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino, $20,000 hapunan ng delegasyon ni Pangulong Arroyo sa New York, pagbuhay sa Charter change, at dacer-corbito murder case.
Si Villar ang na nguna sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na ginawa nitong Hulyo 28 - Agosto 10 at sa survey ng SWS sa kategoryang “best leader” na papalit kay Pangulong Gloria Arroyo.
Ang back-to-back na pangunguna ni Villar ay sa kabila ng imbestigasyon sa kontrobersiyal na C-5 road extension na mahigit isang taon nang paulit-ulit na tinatalakay ng kanyang mga kalabang presidentiables. (Butch Quejada)