MANILA, Philippines - Nainsulto umano ang ilang alumni ng Philippine National Police Academy nang malaman na pinaga litan ang isa sa kanilang kasamahang produkto ng PNPA.
Pinalagan ng ilang PNPA alumni ang report na sinabon ni National Capital Regional Police Office Chief Supt. Roberto Rosales si Manila Police District-Intelligence Chief Supt. Ernesto Fojas dahil sa breach of security nang malusutan ng mga militanteng estudyante ang Gate 7 ng Malacanang dalawang linggo na ang nakalipas.
Iginiit ng mga miyembro ng PNPA Makatarungan Class 1984 na isang competent officer si Fojas at kakaunti na lang ang idealistang tulad nito na produkto ng kanilang akademya. Sinabi ng grupo na dapat ipinagtatanggol ni Rosales ang sarili niyang mga tauhan at hindi sisihin.
Nagsimula bilang tenyente si Fojas nang maitalaga na sa Western Police District Training Division. Naging hepe din siya ng City Hall Detachment at ng mga Station 3, 2 at 7 ng WPD.
Dumanas ng mild stroke sa edad na 41 subalit patuloy siyang nagsilbi sa pulisya at bago siya maitalaga bilang MPD-DID chief, na-assign siya bilang Secretariat to the Chief Directorial Staff, admin officer of the Deputy District Director for Operations, Chief Personnel Division and Chief Logistics sa taong 2002-2009. (Ludy Bermudo)