ZTE probe iisnabin ni GMA at First Gentleman
MANILA, Philippines - Iisnabin lang nina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo ang pagbubukas muli ng imbestigasyon ng Senado sa maanomalya at naudlot na national broadband network project ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China.
Ipinahiwatig ito kahapon ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez Jr. na nagsabing wala nang dapat ipaliwanag sa naturang usapin ang First Couple kasunod ng pagkakaabsuwelto ng mga ito sa Ombudsman.
Sinabi ni Golez na nagsagawa na ng hiwalay na imbestigasyon ang Ombudsman at walang nakitang ebidensiya upang isangkot ang First Couple sa NBN.
Bukod dito, ayon pa kay Golez, replay na lang ang imbestigasyon ng Senado sa NBN-ZTE contract at walang bagong ebidensyang maihaharap.
Sinabi rin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na hindi na niya inaasahang dadalo sa pagdinig nila ang Unang Ginoo at maging ang isa sa mga sangkot sa kaso na si dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos.
Nagpahayag ang abogado ng Unang Ginoo at si Abalos din na hindi sila sisipot sa Senado.
Inihayag naman ni Gordon na pagtutuunan nila ng pansin sa gagawing pagdinig ang mga butas sa procurement process ng gobyerno na naging dahilan kung bakit naging maanomalya at hindi natuloy ang NBN-ZTE deal.
- Latest
- Trending