Bilyunaryong Tsinoy at pamilya kinasuhan ng maid
MANILA, Philippines - Sinampahan kahapon ng mga kasong kriminal sa Department of Justice ang isang bilyonaryong Tsinoy at pamilya nito dahil sa umano’y pangmamaltrato sa kanilang katulong.
Kasong maltreatment, serious illegal detention, slavery at frustrated homicide ang isinampa ng biktimang si Maryjane Solano Dequit, 18 anyos sa tanggapan ni State Prosecutor Edna Valenzuela laban kay Mariano Tanenglian, asawa nitong si Aleta, mga anak na si Maximilian at Fayette na pawang mga residente ng No. 30 Biak na Bato corner Dapitan streets. Barangay Siena, Quezon City.
Inireklamo ni Dequit na palagi siyang sinasaktan ni Aleta sa tuwing siya ay may pagkakamali sa trabaho tulad ng pag-uuntog sa kanyang ulo sa pader, pananampal at pananabunot at minsan ay sinasakal pa siya at tinatadyakan.
Mahigpit din ipinagbawal sa biktima ang pakikipag-usap sa telepono, cellphone, bawal makipag-usap sa kasama, bawal tumawa, bawal umupo sa upuan nila, bawal sumilip sa bintana, bawal manood ng TV, bawal kumain sa kahit anong oras, bawal matulog at magpahinga kapag hindi tapos ang mga trabaho, bawal magbasa ng kahit ano at bawal magsulat.
Bukod sa pananakit ay pinaghuhubad pa umano siya nina Fayette at Aleta at kinukunan ng litrato sa tuwing siya ay naglilinis sa kwarto ng mga ito kasabay pa ang pagpalo ng bakal at tinatakot na ipapasok siya sa night club at ipakikita sa ibang tao ang litrato.
Minsang nahuli ang biktima na kumukuha ng pagkain sa refrigerator ay agad siyang sinabunutan, tinadyakan at kinadena ang dalawang kamay, paa at leeg ng biktima.
Nabuhay lang umano ang biktima sa pagkain ng aso dahil pinagkakaitan itong pakainin ng naturang amo.
Natapos lang ang paghihirap ng biktima ng marescue ito ng Department of Social Workers and Development. Ang biktima ay namasukan sa pamilya Tanenglian simula noong 13-anyos pa lang ito. (Gemma Garcia at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending