MPD cops demoralisado
MANILA, Philippines - Demoralisado umano ngayon ang mga pulis ng Manila Police District bunga ng paninisi ni National Capital Regional Police Office director Chief Supt. Roberto Rosales sa mga tauhan ng MPD Intelligence Unit dahil sa pagkakaroon ng pagkakataon ng daang-daang estudyante na nagprotesta sa Malacanang.
“Sana, hindi na lang niya kami sinisi sa mga mamamahayag. Hindi na lang siya sana naglabas ng kanyang saloobin kung kami rin lang ang kanyang sisisihin dahil ang inaasahan namin bilang NCRPO chief ay aakuin niya ang responsibilidad,” ayon sa isang intel officer na ipinagtanggol ang kanyang hepe na si Supt. Ernesto Fojas, hepe ng MPD intelligence unit.
Anang opisyal, ang “breach of Malacanang gates” ay isang sensitibong usapin na dapat ay tinatalakay sa samahan lang ng pulisya at hindi ipinalalabas sa media.
Naunang binalaan ni Rosales si Fojas na sisibakin sa puwesto kapag hindi ito nakapagbigay ng magandang paliwanag na matatanggap ng hepe ng NCRPO na naunang nag-utos na rebisahin ang seguridad sa pangangalaga sa Palasyo upang mapigilan na maulit ang pangyayari.
Anang pulis, ang seguridad ng Malacañang ay hindi lang sa kamay ng MPD intel unit nakasalalay subalit maging sa Presidential Security Group at military units.
Matatandaang nagsagawa ng lightning rally sa Malacañang Gate 7 noong Miyerkoles upang iprotestta ang “expensive dinner” ni Presidente Arroyo nang dumalaw siya sa Estados Unidos upang makaharap si US President Barack Obama. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending