MANILA, Philippines - Aabutin na ng sobrang katandaan o kamatayan sa kulungan ang isang babae matapos hatulan ng 47 taong kulong ng korte dahil lamang sa pamemeke ng mga dokumento sa pagkuha ng passport at US visa.
Sa desisyong ipinalabas ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 28, Judge Nina Antonio-Va lenzuela, guilty sa paglabag sa Republic Act 8293 o Philippine Passport Act of 1996 ang akusadong si Maria Fe Cruz Aquino alyas “Preciosa” Cruz Aquino, 28-anyos noon nang kasuhan taong 1977.
Nabatid na 7 counts ng paglabag sa RA 8293 ang napatunayan ng korte laban sa akusado kaugnay sa pagbibigay ng maling impormasyon sa kaniyang pasaporte at paggamit ng ibang pangalan o Preciosa Cruz Aquino; Kim Mariel Cruz Aquino at Lenore Coleen Cruz Aquino, at dalawa pang bata na ipinakilala niyang mga anak, na ginamit niya sa pag-aaplay ng pasaporte para sa pag-aplay ng US visa.
“The intent of the accused in forging the documents is clear from her acts,” anang desisyon.
Kabilang sa nakitang pineke ng akusado ang marriage license, birth certificate ng dalawang bata at lisensiya na may pangalan ng kanyang alyas.
Inireklamo siya ng US Embassy matapos matuklasan na hindi niya tunay na pangalan ang ini-aplay sa US visa noong Nobyembre 3, 1977.
Sinabi ni Ted Archibal, vice consul ng Anti-Fraud Unit, natuklasan nila ang ginawang pamemeke ng akusado matapos ang ginawang interview at beripikasyon ng records nito sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa kasalukuyan, ang akusado ay nasa mahigit 50 anyos na at gugugulin na lamang ang natitirang panahon sa mundo sakaling tuluyang maipasok sa Correctional Institution for Women.