Ready na si Brother Eddie
MANILA, Philippines - “Buong puso kong tinatanggap ang hamon sa darating na halalan.”
Ito ang matapang na pahayag kahapon ni Jesus Is Lord Movement spiritual leader Bro. Eddie Villanueva matapos iproklama ng Bangon Pilipinas Party bilang standard bearer ng partido sa darating na 2010 presidential election.
Iprinoklama si Villanueva ng Bangon Pilipinas Party sa makasaysayang Barasoain church sa Malolos, Bulacan kahapon ng umaga bilang pambato ng grupo sa darating na halalan dahil kailangan umano ng bansa ng isang tunay na lider na may takot sa Dios at handang maglingkod sa taumbayan.
Dinaluhan ito ng may 15,000 miyembro ng iba’t-ibang Christian churches, non-government organizations, supporters pati ng matataas na opisyal ng lalawigan.
Sinabi ni Villanueva na dahil sa pag-ibig sa mamamayan kaya niya pangungunahan ang pagkakaroon ng respetado at maluwalhating kinabukasan ang bansa na malaya mula sa korupsiyon.
Aniya, tinanggap niya ang naturang pagtakbo bilang presidente sa 2010, isang buwan matapos na kumonsulta sa kanyang mga supporters. Sa Nobyembre ay isusumite ni Villanueva ang kanyang certificate of candidacy kasabay ang pagpiprisinta sa mga tatakbong senador na kasapi ng Bangon Pilipinas Party.
“Kung matatakot tayo sa hamon ng ating panahon, paano pa makakaalis ang bansa natin sa ganitong sitwasyon. Nais kong maging matapang at tanggapin ang inyong hamon,” ani Villanueva.
Kung tuluyang maluluklok bilang pangulo ng bansa, tiniyak ni Villanueva na wawalisin nito ang korupsiyon at bilang na ang araw ng mga corrupt sa gobyerno.
At bilang paggunita sa pagkamatay ni dating Senador Ninoy Aquino, sinabi ni Villanueva na dapat lang tularan ng mga Filipino ang una dahil hindi ito natakot na banggain ang sinuman para lang maituwid ang bulok na sistema ng politika sa bansa.
- Latest
- Trending