MANILA, Philippines - Itinanggi ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na ito ay patungo sa pagkabangkarote dahil sa malaking utang ng Department of Budget na nagkakahalaga ng P19 bilyon.
Ayon kay Philhealth executive vice-president Melinda Mercado, hindi nalulugi ang nasabing korporasyon bagkus ay matatag ang financial status nito at mayroon pang reserve funds.
Sa katunayan aniya ay umabot sa P10B ang kinita nito noong 2008 kumpara noong 2001 na P5 bilyon lang. Nilinaw nito na nagkamali lang ng pagkakaintindi ang ilang Senador sa ibinigay na pahayag ni VP Nerissa Santiago ng humarap ito sa hearing ng Senado.
Bunsod nito’y, walang dapat na ipag-alala ang mga miyembro ng Philhealth dahil ito ay matatag at patuloy na makakapagbigay ng serbisyo at benepisyo, lalo pa kung paiigtingin ang pangongolekta ng kontribusyon o premium sa mga miyembro nito.
Sinabi naman ni Budget Secretary Rolando Andaya Jr., na handa ang national government na bayaran ang anumang pagkukulang ng gobyerno sa Philhealth lalo pa at wala naman sa P19B ang utang nito batay sa kanilang computation.
Nilinaw pa rin nito na ang pagkakautang ng gobyerno sa Philhealth ay di dahil sa ipinamahagi nitong Philhealth cards kundi sa biglaang pag taas ng premium nito sa kalagitnaan ng taon. (Rudy Andal)