OFW namatay sa eroplano
MANILA, Philippines - Nasawi sa loob ng eroplano ang isang overseas Filipino worker matapos na atakihin ito sa puso habang papauwi sa bansa mula sa Saudi Arabia kamakalawa.
Ang biktimang si Joel Lorrente, maintenance supervisor sa Tashelat Marketing Company sa Jeddah ay agad na dinala sa ramp clinic sa Ninoy Aquino International Airport pagkalapag ng Saudia Airlines flight SV-868 subalit idineklara itong patay ng manggagamot.
Sinabi naman ni Lourdes, asawa ng nasabing OFW, na nagtungo siya sa NAIA nitong Miyerkules upang salubungin ang kanyang mister subalit nabalitaan niya na dinala ang biktima ng mga kinatawan ng OWWA sa clinic.
Ayon kay Lourdes, may sakit ang kanyang mister na kanser sa lalamunan subalit hindi umano niya alam kung anong stage na ang sakit nito.
Ang biktima ay patay na ganap na alas-6 pa lang ng umaga at alas-3 ng hapon ng makalapag ang eroplanong sinasakyan nito.
Ayon sa attending physician ni Lorrente na si Dr. Somera, patay na ang naturang OFW nang dumating sa Maynila bunga ng “cardio-pulmonary arrest”.
Si Lorrente ay nagtrabaho sa Jeddah sa loob ng walong taon at anim na buwan. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending