Isla sa Palawan kinubkob
MANILA, Philippines - Pinangangambahang dumanak ng dugo sa isang islang barangay sa Palawan nang kubkubin ito ng may 30 nagpakilalang miyembro ng Moro National Liberation Front breakaway group na nagpalayas sa mga residente sa lugar.
Kasalukuyan nang pinalilibutan ng pinagsanib na elemento ng Philippine Marine Battalion Landing Team 8, Philippine National Police at Navy Seals ang isla ng Balabac.
Noong Sabado dumaong sa isla ang MNLF renegades na pinamumunuan ng mga nagpakilalang sina Commanders Adbul Majid, Noh Abdurajak at Pa Guru.
Sinasabing binihag ng mga rebelde ang 1,000 residente ng mga barangay ng Marabon at Montagule sa Balabac at ikinulong sa isang mosque pero kamakalawa ay pinalaya ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay nagkakanlong ngayon ang 30 miyembro ng MNLF breakaway group sa Montagule, ayon kay Armed Forces of the Philippines-Public Information Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr..
Nagbigay naman ng ultimatum ang AFP para pasukuin ang grupo at kung hindi ay mapipilitan ang security forces na gumamit ng puwersa laban sa mga ito.
Inihayag naman ni Navy Spokesman Marine Lt. Col. Edgard Arevalo na tuluy-tuloy ang isinasagawang Naval Barrier Patrol upang matiyak na hindi makakatakas palabas ang mga armadong grupo.
- Latest
- Trending