MANILA, Philippines - Maging ang detenidong si Brig. General Danilo Lim ay nagdeklara na ng kanyang kandidatura para tumakbong Senador sa 2010 election.
Si Lim ay nagparehistro kay Municipal Elections Chief Fidel Santos sa voter precinct 102-A sa Brgy. Quirino, Solano, Nueva Vizcaya, kung saan pormal niyang idineklara ang kanyang kandidatura para mapagsilbihan aniya ang publiko.
Sa ngayon ay sumasailalim si Lim sa paglilitis kaugnay sa nabigong kudeta noong 2006 at patuloy din nitong pinag-iisipan kung saang partido aanib, bagamat nililigawan umano ito ng Nacionalista Party.
Malaki ang paniniwala ni Lim na susuportahan siya ng taumbayan tulad ni Sen. Antonio Trillanes IV na nasangkot sa bigong kudeta noong Hulyo 27, 2003.
Una rito, pinayagan ni Makati City Regional Trial Court Branch 150 Judge Elmo Alameda na makalabas ng tatlong araw si Lim para makapagparehistro sa naturang probinsiya. (Danilo Garcia/Joy Cantos)