MANILA, Philippines - Tila isinuka ng Moro Islamic Liberation Front ang panukala ni Senate Minority Leader Aquilino “Nene “ Pimentel Jr. na maging peace negotiator si Peoples champ Manny “Pacman” Pacquiao para sa ikatatahimik ng Mindanao.
Ayon kay MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar, maituturing na “walang kwenta” o non-sense ang panukala ni Pimentel dahil hindi maga gamit ang tulad ni Pacman sa usapin sa giyera kahit pa man ito ay tinitingala sa buong mundo.
Ipinaliwanag pa nito na malulunasan ang gulo sa Mindanao kung ito ay pag-uusapan sa negotiating table para mailahad ng MILF at gobyerno ang kanilang mga panukala.
Magugunita na ipinanukala ni Pimentel na gamitin si Pacman bilang negosyador sa MILF dahil ito aniya ay iginagalang ng mga Muslim at mga Kristiyano bilang boxing champ.
Ipinagtanggol naman ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. si Pacman na hindi dapat maliitin at husgahan ang kakayahan nito, lalo pa at ito ay opinion lang ni Jaafar at hindi ng buong liderato ng MILF.
Bukas naman si Pacman sa pakikinig ng mga hinaing ng mga naturang mga rebelde para patuloy na maisulong ang peace talks sa Mindanao sa kabila ng pagtutol ng inang si Aling Dionisia.
Matatandaan noong taong 2000 ay ipinadala ng gobyerno ang aktor na si Robin Padilla at Vice-Pres. at noo’y TV broadcaster na si Noli de Castro bilang negosyador dahil sa talamak na panghohostage ng Abu Sayyaf sa mahigit 50-guro at estudyante sa Basilan. Ngunit tatlong araw din silang idinetine ng ASG.
Kasabay nito, tinutulan din ni Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na maging peace negotiator si Pacman dahil kinakailangan na may sapat na kaalaman ang sino mang magiging negosyador dito at malinis ang intensiyon at walang anumang bahid politika.
Gayunman, wala ani ya silang personal na galit kay Pacquiao at malaki ang paghanga nito sa Peoples champ.
Tiwala naman si Justice Secretary Agnes Devan dera na malaki ang maitutulong ni Pacquiao sa pagsusulong ng kapayapaan dahil sa tuwinang may laban ito at nananalo ay nagkakaisa sa pagsasaya ang mga Filipino. Maituturing din aniyang simbolo ng kapayapaan si Pacquiao dahil sa tuwing may laban ito ay walang nagaganap na krimen sa buong bansa.
Si Pacquiao ay una ng itinalaga ni Pangulong Arroyo bilang ambassador for peace and understanding at intelligence officer ng Department of Justice (DOJ).