MANILA, Philippines - Kinansela na ng ilang pribadong ospital ang plano nilang welga laban sa Cheaper Medicine Act na sisimulang ipatupad ngayong buwang ito.
Sinabi kahapon ng head executive assistant ng Department of Health na si Dr. Robert So na nakumbinsi ng mga opisyal ng DOH ang pamunuan ng mga ospital na huwag ituloy ang planong hospital holiday sa Agosto 15 na kasabay ng panimulang pagpapatupad sa naturang batas.
Gayunman, sinabi ni So na sa pakikipagpulong nila sa mga miyembro ng Private Hospital Associations of the Philippines, walang garantiya na ihihinto ang welga dahil mga kinatawan lang nila ang dumalo sa pulong.
Ayon kay So, ipinaliwanag nila sa mga pribadong ospital na ang mga manufacturer ang sasalo sa mas mababang presyo ng mga gamot at hindi mismong ang mga pagamutan kaya hindi sila dapat na mag-alala.
Umaangal ang mga ospital sa takdang pagbawas nang 50 porsiyento sa presyo ng gamot na itinatakda sa Cheaper Medicine Act dahil malulugi sila sa mga gamot na nauna nilang nabili sa mas mahal na halaga.
Samantala, nagbabala ang militanteng Kilusang Mayo Uno na libu-libong manggagawa ng mga kumpanya ng gamot ang nanganganib na mawalan ng trabaho dahil sa naturang batas.
Sinabi ni KMU Chairman Elmer Labog na dahil sa gagawing pagtitipid ng mga kumpanya ng gamot na bunsod ng Cheaper Medicine Act, magtatanggal ito ng ilang empleyado o manggagawa.
Tinatayang 1,700 mang gagawa sa dalawa pa lamang na malaking kumpanya ng gamot ang mawawalan ng trabaho.