Umento ng mga pulis aprub na
MANILA, Philippines - Ipinatupad na ang unang bahagi ng pangakong dagdag suweldo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para sa may 131,000 uniformed at non-uniformed personnel ng Philippine National Police.
Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Leonardo Espina, natanggap na ng lahat ng PNP personnel ang unang bahagi ng 50% wage hike na hinati sa apat sa ilalim ng nilagdaang Executive Order No. 811 ni Pangulong Arroyo noong Hunyo 17, 2009.
Sa kanyang report kahapon kay PNP Chief Director Gen. Jesus Verzosa, sinabi ni Police Director Romeo Hilomen, PNP Director for Comptrollership, na ang ‘salary increase differential’ para sa Hulyo 2009 ay tinanggap ng mga PNP personnel sa pamamagitan ng inisyung tseke.
Samantalang ang dagdag suweldo naman para sa susunod pang mga buwan ay awtomatikong isasama na sa payroll sa Agosto 2009 na matatanggap ng PNP personnel sa pamamagitan ng ATM payroll system.
Alinsunod sa EO No. 811, itataas ang sahod ng mga pulis sa average na 50% na pinaghati sa loob ng 4 taon.
Nabatid na naglaan ang pamahalaan ng P18.4 bilyon para sa alokasyon ng 2009 General Appropriations Act and Savings ng iba’t-ibang departamento, sangay, tanggapan at mga ahensya ng gobyerno upang ipatupad ang unang bahagi ng dagdag suweldo sa mga empleyado ng gobyerno umpisa Hulyo 1 ng taong ito.
Samantala, ayon naman sa tanggapan ni AFP- Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Romeo Brawner matatanggap na rin ng mga sundalo epektibo ngayong Agosto ang dagdag sa kanilang mga suweldo alinsunod din sa EO 811.
Anya, malaking tulong ito partikular na sa mga sundalong mababa ang ranggo para higit pang maging inspirado sa kanilang serbisyo sa bayan.
- Latest
- Trending