MANILA, Philippines - Naniniwala ang maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na isang “banal na kamatayan” ang naganap sa dating pangulo lalo na’t naganap ito ng ika-3 ng umaga na siyang Hour of Divine Mercy at unang Sabado na araw ng Inang Birhen.
“It was a holy death in the midst of physical pain and suffering. Death occurred at three o’clock the Hour of Divine Mercy. It was first Saturday the day of our Blessed Mother,” ayon pa kay CBCP President at Jaro, Iloilo Angel Lagdameo.
Aniya, ang rosaryong aniya na hawak ng dating pangulo ng pumanaw ito ay ang ipinagkaloob sa kaniya maraming taon na ang nakararaan ng yumaong si Sister Lucia, na isa sa mga Fatima visionaries.
Nabatid na hanggang sa malagutan ng hininga ang dating Pangulo ay ipinamalas nito ang pagiging “faithful daughter” niya ng simbahan na una na ring sinabi ng Santo Papa dahil hawak nito ang rosaryo saka taimtim na nagdarasal kasama ng kaniyang mga anak.
Tiniyak ng CBCP na mula sa pagdaraos ng healing masses, lilipat na sa pagsasagawa ng “requiem” masses o repose masses ang mga Catholic diocese sa buong bansa para sa yumaong dating pangulo. Lahat ng simbahan ay magmimisa para sa dating pangulo upang ipanalangin na makapiling siya ng Diyos sa buhay na walang hanggan.
Bilang pagbibigay-pugay naman sa pagpanaw ng dating Pangulo, sunod-sunod na busina at pagtatali ng dilaw na laso o yellow ribbons ang ipinakitang simpatiya kahapon ng mga motorista.