SONA inulit ni GMA sa Amerika
MANILA, Philippines -Mistulang inulit ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang State of the Nation Address noong Lunes nang makaharap niya ang isang grupo ng mga Pilipino sa Washington, DC sa Amerika kahapon.
Sa harap ng may 200 Pilipino sa isang dinner sa Willard Hotel, iniulat ng Pangulo ang mga magagandang nagawa ng kanyang administrasyon sa nakalipas na siyam na taon sa larangan ng edukasyon, ekonomiya, pulitika at kapayapaan at kaayusan.
Nilinaw din niya ang ibat ibang alegasyon ng kanyang mga kritiko kaugnay sa kanyang administrasyon kabilang na ang pangamba ng oposisyon na baka ideklara ang Martial Law at ang pagpapalawig sa kanyang panunungkulan.
Inaasahan din ang pakikipagpulong ni Gng. Arroyo kay US President Barrack Obama makaraang maki pagkita siya sa mga lider ng US Congress at sa director ng national intelligence doon na si Admiral Dennis Blair.
Ayon sa isang mataas na opisyal sa White House, tatagal nang 45 minuto ang pag-uusap nina Obama at Arroyo sa Hulyo 30 bagaman sila ang magpapasya kung ano ang kanilang tatalakayin.
Gayunman, inaasahang kasama sa pag-uusapan nila ang climate change, economy, trade, kaganapan sa Myanmar, nuclear program ng Korea at iba pa. (Rudy Andal at Ellen Fernando)
- Latest
- Trending