Pacquiao VIP guest ni GMA, 'Bangkang papel boys' bida sa SONA
MANILA, Philippines - Magiging bida sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo ngayong hapon ang mga tinaguriang “bangkang papel boys” na una ng iniharap ni PGMA sa kanyang unang SONA noong 2001.
Nagtungo sa Malacañang noong Sabado ang tatlong “bangkang papel boys” upang mag-courtesy call sa Pangulo kung saan ay nagpasalamat ang mga ito sa naitulong ng Presidente kasabay ang mariing pagtanggi na pinabayaan sila ni Mrs. Arroyo.
College student na ngayon ang mga ito habang ang kanilang mga magulang na mula sa Payatas ay mayroong maaayos na trabaho.
Magugunita na sina Jason Vann Banogan, Jomar Pabalan at Erwin Dolera ang tatlong bata na nagpaanod ng bangkang papel na nakarating sa Malacañang sa pamamagitan ng Pasig River. Sila’y pawang nagmula sa Payatas dumpsite.
Samantala, nangunguna si pound-for-pound boxing champ Manny Pacquiao sa listahan ng mga VIP guest ni Pangulong Arroyo sa kanyang ika-9 SONA ngayong hapon sa joint session ng Kamara at Senado.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde, karamihan sa mga bisita ni Pangulong Arroyo ay mga benepisyaryo ng mga programa ng Arroyo administration.
Ihahayag din ni PGMA ang nagawa ng kanyang administrasyon sa nakalipas na mga taon kung saan ay tumatag ang ekonomiya sa kabila ng dinanas na global financial crisis.
- Latest
- Trending