MANILA, Philippines - Pormal nang sinampahan ng kaso sa Commission on Human Rights ang mga kagawad ng Central Police District at isang kinatawan ng Light Rail Transit na umano’y umabuso sa karapatang pantao ng mga empleyado ng La Campana Development Corp. at MWC Enterprises sa lungsod ng Quezon.
Sinampahan ng kasong abusive and inhumane manner, arbitrary and illegal investigation, violation of Section 12 of Article III of Constitution sina Col. Ratuita, Chief Investigator Dorothy Du, police officers na kinilala lamang sa apelyidong Rosario, de Jesus, Dela Pena at Gonzales na pawang miyembro ng SWAT at CIDU ng CPDC.
Ayon kay Atty. Meynard Carreon, alam nila na may kaso ang lupang kinatitirikan ng kompanya na pumapabor sa La Campana pero hindi dapat idamay ang mga empleyado tulad ng ginawang panunutok ng baril, pagbuhos ng tubig sa mga natutulog at higit sa lahat ay walang court order umanong bitbit ang mga nabanggit nang pasukin ang compound ng kompanya.
Sa reklamo ng La Campana, huling nakatikim ng panghaharas ang kanilang mga empleyado noong Sabado, (Hulyo 4) nang biglang pumasok sa compound ang grupo umano ni Insp. Du at dinisarmahan ang mga security guard at lalaking empleyado.