Class war ng PMA 78, 77 binira ni Lim
MANILA, Philippines - Isang linggo matapos na magdeklara ng intensyong tumakbo sa senatorial post sa 2010 national elections, binira kahapon ng akusadong 2006 coup plotter Brig. Gen. Danny Lim ang tumi tindi umanong “giyera” ng mga heneral sa Philippine Military Academy Class 77 at 78.
Ang reaksyon ni Lim ay kasunod ng ulat na nagba banggaan na ang PMA Class 77 at 78 sa mga matataas na posisyon sa PNP at AFP sa gitna na rin ng mainit na isyu sa Oplan August Moon o ang maaga umanong pagpapalit ng liderato ng naturang mga tanggapan.
Sinabi ni Lim na ang mga miyembro ng naturang mga Class na nag-iinggitan ay pawang mga personal na interes ang prinoprotektahan kaya kaniya-kaniyang gimik para mapasakamay umano ang minimithing posisyon sa PNP at AFP.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Lim ang mga miyembro ng PMA Class 77 at 78 na isantabi ang ‘di pagkakaunawaan at magkasundo para sa ikabubuti ng serbisyo ng mga ito sa bayan.
Magugunita na sinabi ng ilang kasapi ng Class 77 na haharangin nila ang hakbangin ng Class 78 na masungkit ang matataas na puwesto partikular na sa AFP. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending