MANILA, Philippines - Isang Pinoy security guard ang pinagtulungang bugbugin at batuhin sa ulo ng tatlong Kuwaiti teenager habang naka-duty at binabantayan ang isang grocery center sa bansang Kuwait.
Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), kaagad namang naisugod sa pagamutan at nailigtas mula sa tiyak na kamatayan ang Pinoy na si Lito Bugos.
Naganap ang insidente noong Hulyo 6, dakong alas-10 ng gabi sa grocery store na pinagtatrabahuhan ng biktima.
Sinita umano ni Bugos ang isa sa mga teenager dahil sa paglabas nito sa grocery store matapos na dumaan sa entrance door.
Dahil dito, nagalit umano ang isa pang teenager na kasama ng sinita ni Bugos, at sinuntok ang Pinoy.
Umalis umano ang mga suspek ngunit matapos ang 20 minuto ay muling bumalik, kaya’t hindi na sila pinayagan pa ng mga guwardiya na makapasok muli sa grocery store.
Lalo umano itong ikinagalit ng mga teenager na naging dahilan ng pagsiklab ng bagong komosyon at muli umanong pinagsusuntok ng mga suspek ang Pinoy.
Nagawa naman umanong awatin ng isang guwardiya ang isang suspek, habang ang isa ay nakikipagbuno umano sa Pinoy, ngunit hindi nila napansin na dumampot ng bato ang ikatlong suspek at binato si Bugos na tinamaan ng matindi sa ulo.
Nabatid na dalawa lamang sa mga suspek ang naaresto habang isinugod naman sa pagamutan si Bugos na sumailalim sa craniotomy upang maalis ang namuong dugo sa kanyang ulo.
Sa kasalukuyan ay tinutulungan na umano ng Philippine Embassy si Bugos sa isinampang kaso nito laban sa mga suspek. (Mer Layson)