MANILA, Philippines - Pinatay ang isang mag-asawang Pinoy ng hindi pa kilalang suspek matapos na pagnakawan ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa Amerika nitong nakaraang Miyerkules ng gabi.
Sa report ng Winnebago county coroner’s office, nakita ang mag-asawang Pinoy na sina Reynato Cardino, 77 at asawang si Leticia, 74, na kapwa duguan sa loob ng kanilang bahay sa Pleasant View Avenue, Rockford, Illinois bunga ng matinding mga palo at bugbog.
Humingi ng tulong sa 911 ang kapit-bahay ng mag-asawang Cardino ng makita ang anak ng mga ito na si Reyle, 51 na nakahandusay sa harap ng kanilang bahay.
Sinabi ni Reyle sa Rockford Police na bigla na lang siya inatake ng di kilalang suspek na nasa edad 20-anyos, may taas na 6 ft. at hinihinalang isang African-American. Nagtamo ng malalalim na sugat si Reyle ngunit agad naman na nadala sa pinakamalapit na ospital.
Sa pagsisiyasat ng Rockford Police, posibleng pagnanakaw ang motibo ng suspek kaya nito pinatay ang mga biktima. Bunsod nito’y inalerto ng pulisya ang mga residente dito, lalo na ang mga mata tandang walang ibang kasama sa kanilang bahay na tiyaking nakakandado ang pinto ng mga bahay dahil target ng mga magnanakaw na pasukin ang mga tulad ng mga biktima dahil mahihina na ang mga ito at di na makakalaban.
Ang brutal na pagpatay sa mag-asawang Cardino ay ang kauna-unahang insidente na naganap sa Rockford.
Sila ay nakatakdang ilibing sa Scandanavian Cemetery sa Rockford.